PRE-EMPTIVE EVACUATION INIUTOS NG NDRRMC

Noel Clement

INALERTO kahapon ni Armed Forces of the Philippines  Chief General Noel Clement ang buong puwersa ng Sandatahang Lakas kasabay ng mobilisasyon  ng kanilang Battle Staff sa  General Headquarters (GHQ) para tutukan kung ano ang magiging epekto ng bagyong Tisoy at humanda sa posibleng humanitarian assistance and disaster relief operation.

Inatasan din ni Gen. Clement ang lahat ng AFP unit partikular ang Southern Luzon Command at Army 2nd Infantry Division na pinamumunuan ni Mgen. Arnulfo Marcelo Burgos na makipag-ugnayan sa national at regional offices ng Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council, at mga LGU para sa agarang pagkilos.

Sinabi ni  NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na simula kahapon ay nagpatupad na ng pre-emptive evacuation ang  Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) ng mga bayan malapit sa Bulkang Mayon at mga coastal town  sa  inaasahang pananalasa ni “Tisoy.”

Ayon kay Teresita Alcantara III, hepe ng MDRRMC, aabot sa 1,500 hanggang 2,000 residente ang  inilikas.

Ito ay bunsod ng babala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) na may banta  ng lahar flow sa Barangay Mani­nila, Tandarora, at parte ng Muladbucad Grande na may layong pitong kilometro mula sa slope ng bulkan.

Inalerto at pinag­hahanda ng Phivolcs ang mga komunidad na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon para sa banta ng pagdaloy ng lahar.

Paliwanag ni Phivolcs  Director Usec. Renato Solidum, maaaring maibaba ang post-eruption  ng lahar sa gullies o river channels na naipon kagaya ng makapal na pyroclastic density current (PDC) material at ash fall sa pag-aalboroto nito noong Enero hanggang Marso 2018.

Samantala, nakatakda ring magsagawa ng forced evacuation sa anim na bayan sa Camarines Sur na ikinokonsidera bilang high risk areas.

Kasama kasi ito sa mga pinakababanta­yang epekto ng pagpasok sa bansa ni ‘Tisoy’ ang malakas na mga pag-ulan.

Sa data ng PDRRMC, nasa 149 barangay sa lalawigan ang puwedeng maapektuhan ng storm surge, 882 ang mga apektado ng pagbaha habang 262 barangay ang nasa landslide prone area. VERLIN RUIZ

Comments are closed.