PRE-INSPECTION SA PAPASOK NA CONTAINERS

CONTAINERS-1

KINALAMPAG ng isang kongresista ang Bureau of Customs (BOC) na mahigpit na magpatupad ng pre-inspection sa mga dumarating na containers mula sa ibang bansa.

Ito ay bunsod na rin ng pangamba na gawin na namang tambakan ng ba­sura ang Filipinas ng ibang mga bansa lalo pa’t naghahanap ngayon ng mapagdadalhan ng kanilang mga basura ang mga bansa sa North America at Europe matapos na ipagbawal na ng China ang importasyon ng used plastics at recyclables mula sa nasabing mga kontinente.

Ayon kay Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, dapat na magpatupad na ng compulsory pre-shipment inspection (PSI) ang BOC upang matigil na ang importasyon ng mga kontrabando na naglalaman ng basura o kaya ay ilegal na droga mula sa ibang mga bansa.

Sa ilalim ng pre-shipment inspection ay susuriin at beberipikahin na ng third party surveyors ang shipment details ng isang con-tainer bago pa man ito makalabas sa bansang pinanggalingan.

Sa kasalukuyan ay ino­obliga lamang ang pre-inspection sa mga bulk at break-bulk cargo o commodities na liquid, granular o particulate form tulad ng krudo, ­petrolyo, grain, coal at iba pa.                CONDE BA-TAC