CAGAYAN- NAGPATUPAD ng preemptive evacuation sa mga barangay ng Taytay at Alba sa bayan ng Baggao sa lalawigang ito.
Ito ay kasunod ng pananalasa ng Bagyong Neneng sa lugar.
Paalala ng awtoridad, mapanganib ang mga pamilyang naninirahan doon sa pagguho ng lupa.
Ayon kay MDRRMO Chief Narciso Corpuz, landslide-prone ang nasabing mga lugar kaya’t dapat bago dumilim ay kailangan nang mailikas ang nasa 29 pamilya sa Brgy. Taytay at humigit-kumulang 20 pamilya naman sa Brgy. Alba lalo’t mga pag-ulan ang dala ng bagyong Neneng.
Inilikas ang mga pamilya at pansamantalang pinasilong sa elementary school at sa tahanan ng mga barangay kapitan at konsehal sa kanilang mga barangay.
Sinabi ni Corpuz na mapipilitan silang puwersahin ang sinomang pamilya o indibidwal na hindi susunod sa isinasagawang paglikas. EUNICE CELARIO