PREEMPTIVE MEASURES INILATAG SA EMBAHADA NG US AT IRAN

NCRPO Chief Cascolan

CAMP CRAME – NAG­LATAG na rin ng preemptive measures ang Philippine National Police para sa embahada ng Iran at Estados Unidos na nasa Filipinas kasabay ng tumitin­ding tensiyon sa pagitan ng mga nabanggit na mga bansa, kasama ang Iraq,  makaraang mapatay sa US air strike ang isang Iranian senior military official na nagkataong nasa Iraq.

Sa press briefing sa Camp Crame kahapon, inanunsiyo ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, The Deputy Chief for Operations ng Philippine National Police (PNP), na noong Lunes ay nagkaroon sila ng pulong kasama ang Intelligence Group, Directorate for Intelligence, PNP-Special Action Force, Anti-Cyber Crime Group at Police Security and Protection Group (PSPG) para matiyak ang seguridad at mapigilan ang anumang banta ng kriminalidad.

Paliwanag ni Cascolan, bagaman walang direktang banta sa seguridad sa bansa, nais lamang nilang makatiyak na ligtas ang paligid ng mga embahada at maging ang nagtutungo at nagtatrabaho roon.

Kabilang sa preemptive measures ay police visibility, information dissemination at kooperasyon ng mga opisyal at mga tauhan ng dalawang embahada para maging mabilis ang aksyon at res­ponde sakaling maitala ang hindi kanais-nais na insidente.

Paglilinaw naman ni Cascolan na wala silang natatanggap na threat o banta at  normal lamang ang kanilang operasyon at ang kanilang ginagawa ay upang matiyak na smooth ang daloy ng operasyon ng dalawang embahada.

“Wala namang threat pero mas makabubu­ting unahan na natin ang paglalatag ng seguridad o preemptive measures para sa kaligtasan ng lahat,” ayon pa kay Cascolan.

Samantala, bukod sa preemptive measures para sa dalawang embahada, pinag-usapan din ang inilatag na seguridad para sa milyong debotong daragsa sa Quirino Grandstand para sa Pahalik at sa  Quiapo, Manila para sa Pista ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9. EUNICE C. 

Comments are closed.