PRELIM INVESTIGATION SA PULIS NA SANGKOT SA MISSING BEAUTY QUEEN

ITINAKDA sa Disyembre 19 at Enero 9, 2024 ang preliminary investigation laban sa pulis at tatlo nitong kasama na itinuturong suspek sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Una nang tinanggap ng Batangas Prosecutors Office ang kasong kidnapping at serious illegal detention na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group laban kina PMaj. Allan De Castro, driver nitong si Jeffrey Magpantay at dalawang lalaki na hindi pinangalanan.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson, Col Jean Fajardo, inaasahan nila na magsusumite ng counter-affidavit at iba pang evidence to answer ang mga complainant laban sa apat.

“Inaasahan po natin ‘yung mga suspect po ay magsa submit po ng kanilang counter affidavit at iba pang ebidensya to answer ‘yung mga complaint laban sa kanila,” ayon kay Fajardo.

Aalamin din ng PNP kung maari na nilang hilingin sa piskalya na makuhanan ng DNA sample ang mga suspek na maaring magpatibay pa sa kaso.

Maaari umano ikumpara sa iba pang hair strands na narekober sa SUV.

“Ilan lang doon sa hair strands ang nag match doon sa DNA profile ng magulang ni Catherine , ang iba ay hindi nag-match ibig sabihin po ay mayroon po na nagmamay-ari na iba sa búhok na narekober sa SUV na red,” ani Fajardo

Nitong Huwebes, nagsimula na rin na umusad ang kasong administratibo na conduct unbecoming of a police officer laban kay De Castro.

Nagkaharap ang magkabilang kampo sa PNP Internal Affairs Service kung saan nagsumite ang kampo ni Camilon ng mga karagdagang ebidensya. EUNICE CELARIO