PRESIDENTIAL BETS NA TUMANGGAP NG PAGKATALO PINURI NG BBM CAMP

LUBOS na nagpapasalamat ang kampo ni president-in-waiting Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., nitong Miyerkoles sa konsesyon ng ilang kandidato sa pagkapangulo na tumanggap ng pagkatalo at kinilala ang kanyang pagkapanalo sa  katatapos lamang na May 9 presidential polls.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at  spokesperson ni Marcos, na ang panawagan ng mga kandidato sa pagkapangulo na igalang ang  resulta ng halalan, ang apela sa mga tao na huwag sumali sa anumang kaguluhan, pagkakaisa at suporta para sa mga pinili ng mga botante ay   kapuri-puri at nagpapakita ng kanilang dekalidad na statesmanship at tunay na pagkamakabayan.

“Indeed, the mode to drive forward without any delay right after the conclusion of this political exercise should be the case. As we all agree and recognize that the will of the people is law, we also recognize that we are fa­cing inevitable challenges ahead as a nation,” pahayag ni Rodriguez.

Ang pinakahuling resulta mula sa Comelec transparency server ay nagpakita na si Marcos ay patungo sa landslide na tagumpay matapos makakuha ng mahigit sa 31 milyong boto laban sa higit sa 14 milyon ni  Leni Robredo.

Kabilang sa mga naunang nag-cconcede ay si Manila Mayor Isko Moreno, na pumapang-apat sa resulta ng bila­ngan.

“Mayroon na pong pinili ang taumbayan. Sa kasalukuyan ay nais kong batiin si dating Senador Ferdinand Marcos sa kanyang pangunguna at patuloy na pangunguna. Cong­ratulations po sa inyo,” pahayag ni Moreno.

Martes ng gabi naman nang mag-concede si Sen. Manny Pacquiao na pumapangatlo sa bilangan.

“Marunong akong tumanggap ng pagkatalo. Sana lang, kahit talo ako sa laban na ito, panalo pa rin ang mga kapwa ko Pilipino, yung mga naghihirap,” ani Pacquiao.

“Sa ating susunod na Pangulong Bongbong Marcos, ako’y nananalangin sa tagumpay ng inyong administrasyon na maraming mahihirap ang mai-angat ang buhay at matulungan,” dagdag nito.

Maginoo ring tinanggap ni Sen. Panfilo Lacson ang pagkatalo at sinabing siya ay uuwi na lamang sa kanyang pamilya.

“I would like to thank my family, friends and supporters. I enjoin my supporters to help the incoming administration of our president-elect. I also ask my supporters not to join any group that would cause trouble for the new administration,” dagdag ni Lacson.

Habang sa pahayag  ng labor leader na si Leody de Guzman. “Tulad din ng iba, tanggap ko ‘yung pagkatalo ko sa eleksyong ito.”

Sinabi ni Rodriguez na iniaalok nila ang nagkakaisang pamumuno ni Marcos at ng kanyang UniTeam na sumulong sa susunod na anim na taon.

“Together, as one race, as one nation, we shall rise pure in our common resolve to face our destiny of securing our solid position in the family of nations. Let this be the beginning of great things to come for the Philippines,” pagdidiin ni Rodriguez.