PRESIDENT’S CUP, WORLD TOUR MANILA MASTERS KANSELADO

Ronald Mascariñas

NAGPASIYA ang Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 at ang International Basketball Federation (FIBA) na ipagpaliban ang pagbubukas ng 2020 President’s Cup at ng  World Tour Manila Masters dahil sa nagpapatuloy na coronavirus disease 2019 (CO­VID-19) pandemic.

Ang desisyon ay nabuo sa isang teleconference ng dalawang entities noong Huwebes, Marso 11, matapos na isaalang-alang ang patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa at ang pagdedeklara sa Public Health Emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“We have decided to move the opening of our first conference to a later date because of the on-going COVID-19 pandemic,” wika ni league owner Ronald Mascariñas.

“As Filipinos, the health and safety of our players, officials, staff, and, most importantly, our fans are the most important thing to us.”

Ang six-leg President’s Cup ay nakatakda sanang magsimula sa Linggo, March 29, 2020, sa events center ng SM Fairview. Itatampok ng liga ang 12 teams, siyam dito ay mula sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Samantala, ang  Chooks-to-Go FIBA 3X3 World Tour Manila Masters ay gaganapin sana sa May 2-3, 2020 sa SM Megamall Fashion Hall. Ini-urong ito sa August 15-16 sa parehong  venue.

Ang Manila Masters ay isang max-level FIBA 3×3 event na tatampukan ng pinakamahuhusay na koponan sa mundo.

Ang iba pang  FIBA 3×3 events na ipinagpaliban ay ang  Olympic Qualifying Tournament, na nakatakda sana sa March 18-22 sa Bengaluru, India, at ang  Asia Cup sa May 13-17 sa China.

Wala pang itinatakdang petsa para sa OQT subalit ayon sa FIBA, kailangan itong isagawa bago ang Universality OQT (April 24-26 sa Budapest, Hungary). Ang Asia Cup ay iniurong sa September 9-13.