MARIING itinanggi kahapon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na ‘junket’ ang ginawang biyahe ng mga opisyal ng PCOO sa Europe para sa press caravan.
Sa isang panayam, nilinaw ni Andanar na side event lamang ang press freedom caravan at ang misyon ng naturang PCOO delegation ay upang ipaliwanag ang isyu tungkol sa involuntary disappearances gayundin ang isyu sa anti-communist terrorist groups at iba pa.
Ayon kay Andanar, ang nabanggit na biyahe ay nakabase sa Executive Order no. 70 kung saan ang PCOO bilang miyembro ng National Task Force ay naatasang magbigay ng communications support sa kampanya ng pamahalaan kontra communist terrorist groups.
Sinabi pa ng kalihim na bahagi ng kanilang mandato na maipaliwanag sa international bodies ang panig ng gobyerno ng Filipinas sa iba’t ibang usapin na may kinalaman sa mga polisiya, programa at mga naging achievements ng kasalukuyang administrasyon hinggil sa mga nabanggit na isyu.
Ipinaliwanag pa ni Andanar na walang pondo ng pamahalaan ang nasayang sa naturang pagbiyahe na aniya’y base na rin sa direktiba ng National Security Council (NSC).
Sinabi ni Andanar, hindi nagpapasarap sa biyahe sa Europe ang mga PCOO officials na sina Undersecretary Loraine Badoy, Assistant Secretary Kris Ablan, PCOO Global affairs head JV Arcenas, 2 staffs at Undersecretary Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS)
Nauna nang kinuwestiyon ng ilang mga mambabatas ang nasabing biyahe at nagtatanong kung bakit kailangang magpaliwanag ang pamahalaan sa international community kaugnay ng lagay ng press freedom sa Filipinas. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.