PRESS FREEDOM IBINIDA NG PCOO SA BULACAN

press freedom

LUNGSOD NG MALOLOS- Ipinagmalaki ni Presidential Communications Operations Office Secretary Jose Martin Andanar kung paano pahalagahan ng administras­yon ni Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte ang kalayaan sa pamamahayag sa ginanap na “Meet and Greet with the Media” sa VIP Lounge ng gusali ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa lungsod na ito kamakailan.

“Sa dinamirami ng mga batas na maaaring pirmahan ng ating Pangulo, hindi man niya inunang pirmahan dahil nauna ang E.O. No. 1 na Reengineering the Office of the President, pinangalawa niya ang Freedom of Information dahil nakasulat sa ating konstitusyon ang Right for Information,” anang kalihim ng PCOO.

Inisa-isa rin niya ang ilan sa mga polisiya na ginawa ng kanilang opisina upang protektahan ang mga mamamahayag kabilang ang Administrative Order No. 1, s. 2016 o ang “Creating the Presidential Task Force on Violations of the Right to Life, Liberty and Security of the Members of the Media” at ang Government-Media Bridge Policy, na kabilang ang media exchange program kung saan mayroong mga piling mamamahayag na mabibigyan ng pagkakataon na pag-aralan at tingnan mismo ang pinakamagagandang gawi ng mga mamamahayag sa ibang bansa.

“Talagang inuuna ng ating Presidente ang ating mga media dahil mahal niya ang media. Pinapahalagahan niya ang ating kalayaang magsulat, freedom of information and freedom of the press. And I also believe that media is one of the most important sectors in nation building,” dagdag ni Andanar.

Bilang tugon, sinabi ni Carmela Reyes-Estrope, provincial correspondent ng Philippine Daily Inquirer, na si Andanar lamang ang kalihim ng PCOO na bumaba at lumibot upang malaman at marinig ang panig ng mga lokal na mamamahayag.

Samantala, bago tumungo sa Meet and Greet, nag-courtesy call si Andanar kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na nagpasalamat sa kanya dahil sa pagbisita nito sa mga mamamahayag na nakabase sa Bulacan na itinuturing na kaagapay ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng impormasyon.

Kasama rin sa nasabing gawain sina Philippine Information Agency Regional Director William Beltran, Provincial Information Officer Maricel S. Cruz at Panlalawigang Tagapangasiwa Eugenio Payongayong. A. BORLONGAN

Comments are closed.