PRESUMPTIVE VP SARA DUTERTE, MAAARING MAKAPANUMPA BAGO ANG HUNYO 30

KINUMPIRMA ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring makapanumpa na si presumptive Vice President Sara Duterte, ilang araw bago bumaba ang kasalukuyang administrasyon sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.

Gayunman, nilinaw ni Comelec Commissioner George Garcia na pormal na magsisimula ang termino ni Duterte alas-12:01 ng tanghali ng Hunyo 30.

Una nang ikinasa ni Duterte ang kanyang inauguration sa Hunyo 19 sa Davao City upang masaksihan ng kanyang mga kababayan ang panunumpa nito sa posisyon.

Hanggang noong Biyernes, nananatiling malaki ang lamang sa bilang ng mga boto si Duterte kumpara sa iba pang vice presidential candidates na ang partial and unofficial count ay nasa 31,561,948 batay sa datos ng Comelec Transparency Media Server. Samantala, ang kanyang running mate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nangunguna rin sa presidential race na may 31,104,175 votes.

Aabot na sa 55,197,306 votes mula sa 67,442,616 registered voters ang nabilang habang 98.35% ng election returns ang naiproseso. JEFF GALLOS