IGINIIT ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na sapat ang suplay ng asukal ngayong holiday season kaya hindi dapat tumaas ang presyo nito.
Sa kasalukuyan ay naglalaro sa P65 hanggang P85 ang kada kilo ng pulang asukal at hanggang P90 ang puting asukal sa merkado na sa pagdududa ng sugar producers ay dulot ng ilang traders na nananamantala at lumilikha ng artificial shortage.
Samantala, sinabi ng mga opisyal ng SRA na suportado nila ang nais ng Kongreso na imbestigahan ang umano’y pagmamanipula ng mga trader sa presyo ng asukal na tinitingnan nito na dahilan sa bahagyang pagtaas ng presyo nito, lalo at ikinalulugi ito ng mga magsasaka.
Anila, binabarat ng mga trader ang mga magsasaka at bagsak-presyo naman ang farmgate price nito samantalang mataas ang presyo pagdating sa pamilihan.
Ayon sa SRA, nasa P2,400 lamang kada sako o katumbas ng P48 kada kilo ang farm gate price nito. Sa ganitong presyo ay bawi lamang umano ang presyo ng sugar farmers o lugi pa.
“‘Yung first buyers, paglabas dun ang problema sa supply chain. ‘Yung wholesale and retail constant. So lumalaki lang ang gap from wholesale to farm gate,” pahayag ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Ayon sa United Sugar Farmers’ Producers of the Philippines (UNIFED), may mga trader na nilalaro ang presyo at dahil sa sistemang ito ay nadadamay ang mga mamimili.
“The sugar mills have huge bodegas.They can keep the sugar and starve the market artificially para pag akyat come January, February aakyat yung presyo kasi wala ng supposed to be wala ng asukal sa market. That is when they unload the cheap sugar that they bought from us and make money,” sabi ni Manuel Lamata, presidente ng UNIFED.
Nanawagan naman si 5th District Negros Occidental Representative Emilio Bernardino Yulo na imbestigahan ang mga nagsasamantala upang maprotektahan ang mga sugar farmer.
“Let us investigate the factors behind this price instability and hold accountable those who are tasked to protect the sugar farmers and those who take advantage of the situation for an unimaginable profit,” sabi ni Yulo.
“We welcome any form of investigation in the effort of giving our farmers better chance.Giving our farmers better price.Because if not, these farmers will shift to other crops so mas magiging malaki ang problema natin,” ani Azcona.
Dagdag pa ni Azcona, kaya sapat ang suplay ng asukal ngayong taon ay dahil umangkat ang pamahalaan ng 240,000 metric tons ngayong taon.
“Usually ang nangyayari depende na talaga sa retailer. But when it comes sa farmer’s side, sa farm side, sa farm gate, usually, ‘pag parating ng Pasko, bumababa nang kaunti. Usually po walang reason unless may shortage tayo sa supply. But for this year until now stable. ‘Yung supply natin walang shortage, walang over, So stable so far,” sabi ni Azcona. Ma. Luisa Macabuhay- Garcia