BUMABA ang presyo ng ilang basic agricultural commodities noong Pebrero, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kabilang sa nagkaroon ng tapyas ang presyo ng sibuyas, tilapia, brown sugar, at iba pang gulay.
Base sa datos ng PSA, nasa P167.62 ang average retail price ng kada kilo ng tilapia nitong ikalawang bahagi ng Pebrero, na mas mababa kumpara sa P169.02 kada kilo na bentahan noong unang bahagi ng Pebrero at sa P168.52 kada kilo na bentahan noong Enero.
Tinatayang nasa halos P5 naman ang ibinaba ng presyo ng talong noong huling bahagi ng Pebrero na naglalaro na lamang sa P86.18 mula sa P90-P91 na presyo noong Enero.
Malaki naman ang tapyas sa presyo ng pulang sibuyas. Mula sa P188.32 kada kilo na bentahan nito noong ikalawang bahagi ng Enero ay bumaba ito sa P163.11 kada kilo noong nakaraang buwan.
Ang presyo ng asukal ay nasa P76.52 na lang kada kilo noong huling bahagi ng Pebrero mula sa P78.10 kada kilo noong Enero.
Samantala, tumaas naman ang presyo ng regular milled rice, liempo at calamansi noong ikalawang bahagi ng Pebrero.
Binigyang-diin ni Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa na patuloy na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang paggalaw ng presyo sa merkado sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS).
Dagdag pa niya, ang DA ay nagkakaloob ng interventions, at nagsasagawa ng marketing strategies upang tulungan ang mga farm producer at mabigyan ang mga Filipino consumer ng dekalidad at murang agri-fishery produce.
PAULA ANTOLIN