PRESYO NG ASUKAL TUMAAS

NASA P80 hanggang 85 kada  kilo lamang ang dapat na presyo ng asukal, ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) administrator Pablo Luis Azcona.

Ginawa ni Azcona ang pahayag sa gitna ng mga ulat na tumaas ang presyo ng asukal sa  P100 kada kilo sa ilang supermarkets at grocery stores.

Ayon kay Azcona, bagama’t ang farmgate price ng asukal ay kapwa tumaas at bumaba sa mga nakalipas na buwan, ang presyo sa pangkalahatan ay pababa..

“Problema sa SRA at sa DA, ang problema ang laki na ng ibinaba sa farmgate, bumaba P10 per kilo pero hindi nakikita sa retail,” aniya.

Nang tanungin kung may inaasahang pagtaas sa presyo ng asukal bago ang Pasko, sinabi ni Azcona na hindi nila makokontrol kung ano ang magiging retail price ng mga negosyante.

“Historically, bumababa ang farmgate price [before Christmas], so farmers are hoping for a more stable price. However, businesmen and retailers, itinataas ang price kasabay ng demand,” aniya.

Gayunman sinabi niya na hindi nila ito gusto at gagawin nila ang lahat para hindi ito payagan. Aniya, lagi nilang pinag-iisipan na magpatupad ng suggested retail price (SRP) sa asukal, subalit ang problema ay nasa implementasyon.

“We are finding means and ways for government to come in and see how to help the farmers and the retail consumers.” Dagdag pa niya, may sapat na suplay ng asukal ngayong taon, papasok sa holidays kung saan inaasahang tataas ang demand.