SAPAT ang supply ng karneng baboy sa Filipinas kahit na itinigil ang pag-aangkat dahil sa African Swine Fever (ASF) na tumama na sa labing anim na bansa.
Inihayag ni Department of Agriculture Usec. Ariel Cayanan na tiniyak ng hog raisers sa bansa na sapat ang suplay ng karneng baboy at walang nakikitang rason para tumaas ang presyo nito sa pamilihan.
Nakaalarma na ang ASF kaya naman nakaalerto na ang Filipinas at naglatag ng bio security measures gaya ng paglalagay ng mga foot bath at X-ray sa mga entry point sa mga port, pagsasanay sa mga sniffing dog para maamoy kung may dalang karneng baboy ang mga papasok sa bansa at pagsasa-nay na rin sa mga quarantine officer.
Itinigil na rin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang pag-iisyu ng certification of product registration o CPR sa mga pork processed products gaya ng meatloaf, sausage, ham, at iba pang delata.
Hinihikayat ng DA at FDA ang mga supermarket, mga tindahan at iba pang stalls na nagbebenta ng mga processed pork products na magkusa nang tanggalin ang ganitong uri ng produkto.
Kasama sa mga bansang nasa hotlist ng ASF ang South Africa, Russia, Ukraine, Hungary, Czech Republic, Moldova, Zambia, Poland, China, kasama ang Hong Kong at Macau, Bulgaria, Belgium, Latvia, Vietnam, Mongolia, at Cambodia. ANGELO BAIÑO
Comments are closed.