PRESYO NG BABOY PATULOY NA TUMATAAS

BABOY PALENGKE

LAGUNA – PATULOY ang pagtaas ng presyo ng karneng baboy sa lalawigang ito bunsod ng kakulangan sa suplay at epekto pa rin ng kumakalat na sakit na African Swine Fever (ASF) sa kasalukuyan.

Ayon kay Provincial Veterinary Chief Dra. Grace Bustamante, nasa 18 bayan pa rin ang apektado ng naturang sakit mula una hanggang ika-apat na distrito ng Laguna.

Idinagdag pa nito, may naitalang isa pang lugar nitong nakaraang ilang araw kung saan kontrolado na ang lahat ng mga backyard hog raisers na pansamantala munang huminto sa pag-aalaga ng baboy habang ang iba pang malalaking commercial farm ay ligtas naman sa nasabing sakit.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa halagang P320 o higit pa ang kilo ng baboy sa mga pamilihan sa nasabing lalawigan.

Nasa halagang P200 o mahigit pa ang presyo kada kilo ng buhay na baboy sa mga commercial farm kung saan karaniwan itong inaangkat ng mga biyahero na nagmula pa sa Metro Manila, Bulacan at iba pang karatig na lalawigan.

Ani Bustamante, ito umano ang dahilan kung bakit sobrang taas ang presyo ng karneng baboy ngayon at kontrolado ng mga biyahero ang presyo nito sa mga pamilihan.

Kaya’t inatasan ang lahat ng Municipal at City Veterinary na patuloy na magmonitor sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Gayundin, inaasahan na sa panahon ng kapaskuhan ang pagtaas pa ng presyo ng karneng baboy hindi lamang sa Laguna kundi maging sa Metro Manila at iba pang lalawigan dahil sa kakulangan ng suplay nito. DICK GARAY

Comments are closed.