PRESYO NG BANGUS, TILAPIA TUMAAS

SUMIRIT ang ­presyo ng freshwater fish ng hanggang P30 kada kilo, base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Mula P150 hanggang P220 noong Enero 15, ang presyo ng bangus ay tumaaa sa hanggang  P250 kada kilo.

Pumapalo naman sa P170 kada kilo ang presyo ng tilapia mula P110 hanggang P160, dalawang linggo na ang nakalilipas.

Ayon kay Asis Perez, Tugon Kabuhayan co-convenor, ang mababang suplay ng saltwater fish ang nagtulak sa mas mataas na demand para sa freshwater fish.

“Pagka kasi full moon… during that period of time mababa talaga ‘yung huli ng isda natin na alat. Pababa ‘yung kanilang isda na alat so siyempre ‘yun naman ‘yung pagkakataon ng aquaculture na nabebenta ‘yung produkto nila at wala silang kalaban sa merkado so naturally prices will adjust,” sabi ni  Perez sa GMA News Online.

Aniya, nananatili ring mababa ang suplay ng local round scad o galunggong na posibleng dahilan kaya tumaas ang presyo ng bangus at tilapia.

“Closed fishing season ‘yun galunggong natin at wala tayong masyadong supply ng galunggong kaya ‘yun yung dahilan siguro kaya medyo mataas,” sabi pa ni Perez.