NAGTAAS ng hanggang P20 ang presyo ng bangus sa ilang pamilihan na isinisisi ng mga tindero sa kakulangan ng suplay nito.
Sa isang pamilihan sa Quezon City, kung dati ay P130 hanggang P140 ang kilo ng bangus, ngayon ay nasa P150 hanggang P160 na.
“Noong nakaraang buwan, sunod-sunod po ‘yong bagyo kaya ‘di po maiwasan na ‘yong mga ibang fishpen, nagkalugi-lugi na sila,” pahayag ni Erwin Dagami na isang tindero ng bangus.
Iginiit naman ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Eduardo Gongona na walang kakulangan sa suplay ng bangus. Kahit daw nangyari ang pagkamatay ng libo-libong bangus bunsod ng mga pag-ulan ay may iba pang pagkukunan ng suplay nito.
“Kahit na nagkaroon ng fish kill in two areas gaya ng Anda and ‘yong sudden flash flood sa Bulacan, mayroon tayong pagkukunan niyan. Batangas, Iloilo,” dagdag pa niya.
Ayon sa kanya, kaya tumaas ang presyo ng bangus ay dahil sa pagtaas ng presyo ng galunggong. “Nagiging determinant na kasi ng price of fish in the market iyong galunggong. Kung magkulang siya ng supply, tataas ‘yong presyo ng bangus saka tilapia.”
Sa kabilang banda, inaasahang ngayong buwan darating ang mga inangkat na galunggong. Nilinaw naman ng mga tindero na marami na ang dumating na suplay ng galunggong sa kanila pero hindi pa ito ang mga inangkat ng gobyerno.
Mula sa P140 hanggang P160 noong nakaraan, bumaba na ang presyo ng galunggong sa P100 hanggang P120 kada kilo ang bentahan sa Mega Q-Mart. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.