TINIYAK kahapon ng Malacañang na nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng pananalasa ng bagyong Rolly
Sa isang press conference, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magsasagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng regular monitoring para hulihin ang mga magsasamantalang retailers.
“Ayon sa DTI, generally price and supply of basic necessities and price commodities remain stable,” sabi ni Roque.
Aniya, minomonitor din ng DTI kung nasusunod ang suggested retail price, partikular sa mga lugar na labis na naapektuhan ng bagyo.
Samantala, binalaan ni Roque ang mga retailer na magsasamantala sa bagyo para itaas ang presyo ng basic goods at commodities.
Hinikayat niya ang mga ito na pairalin ang bayanihan sa pamamagitan ng hindi pagtataas ng presyo.
“Ang pakiusap po ng Presidente [Rodrigo Duterte] sa panahon po ngayon ng aberya, sana po bayanihan. ‘Yung ating mga nagbebenta na mga kailangan ng ating mga kababayan, sana naman po ‘wag pagsamantahalahan,” ani Roque.
Nakasaad sa Section 6 ng Republic Act 7581 o ang Price Act of 1992 na awtomatikong ipi-freeze ang presyo ng basic necessities o isasailalim sa price control ang isang lugar na idedeklarang disaster area o nasa ilalim ng state of calamity.
Si ‘Rolly’ ay unang nag-landfall sa Bato, Catanduanes kahapon ng alas-4:50 ng umaga, na sinundan sa Tiwi, Albay sa alas-7:20 ng umaga.
Comments are closed.