INAASAHANG patuloy pang bababa ang presyo ng bigas sa merkado.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na nagsabing available ang bigas na dating P38 per kilo na mabibili na lamang ng P36 kada kilo base na rin sa price monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).
“Well, inaasahan po natin na tuluyang bababa pa ang presyo,” ayon kay Roque.
Sinabi ni Roque, na ang pagtaas naman ay bahagi ng dahilan na nag-panic sa pagaakalang naubusan daw ng bigas na hindi naman naintindihan ng marami.
“Maraming commercial rice subalit ang naubos lang ay NFA rice. So ngayong mas marami na pong NFA rice na inaasahan naming lalo pang bababa ang presyo ng bigas,” giit pa ni Roque.
Ibinalita ni Roque na wala pa sa merkado ang imported na NFA rice na inangkat ng Filipinas sa bansang Vietnam at Thailand na kasalukuyang lulan pa ng barko na ngayon ay nakadaong na sa Subic Bay Port.
Ayon kay Roque, hindi pa naibababa ang 250,000 metric tons na bigas dahil sa naranasang pag-ulan nang mga nagdaang araw.
Kapag nadiskarga na sa mga barko ang mga inangkat na bigas, ibebenta ito sa halagang 27 at 32 pesos kada kilo, depende sa klase, sabi pa ni Roque.
Sinabi ni Roque na sa sandaling gumanda na ang lagay ng panahon, ididiskarga na ang bigas mula sa barko at inaasahang darating sa mga pamilihan sa Metro Manila sa susunod na mga araw.
Aminado si Roque na ang overall strategy ng gobyerno ay pagbubuwis sa bigas na ipapasok sa bansa.
“Hayaan nang pumasok iyang mga bigas na iyan na kinakalap, i-subject na lang to tariff, para sa ganoon, talagang makita natin ang law of supply and demand pagdating sa pagdedetermina ng presyo,” dagdag pa ni Roque. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.