INAASAHANG bababa pa ang presyo ng bigas dahil sa Rice Tariffication Law, ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez.
“Maganda po ang presyuhan nito at nakikita na natin ang magandang epekto ng Rice Tariffication Law,” wika ni Lopez.
Pahayag ni Lopez na ang ilang presyo ng bigas sa merkado ay nailata na nasa P28 hanggang P29 kada kilo.
“Ang target natin ay nasa ganoong presyo hanggang P34 to P35 per kilo. Maganda ito para sa consumer,” sabi niya.
“The P35 per kilo price is for well-milled rice,” paliwanag nito.
“Inaasahan pa po natin na bababa ang presyo ng bigas,” aniya.
Pahayag din ng Trade secretary na ang abot-kayang presyo ng bigas ay pakikinabangan ng mga Pinoy.
Dagdag pa nito na ang Rice Tarrification Law ay makasisiguro sa seguridad ng bigas at pagkain.
“Asahan po natin na may food security at rice security. Ang kagandahan po sa Rice Tariffication, may pondo na pong naiipon at ibinibigay sa mga farmer,” sabi pa niya.
“Gaganda ang productivity ng farmers at gaganda rin ang kanilang ani. Mumura rin ang kanilang production cost,” dagdag pa ni Lopez.
Ipinaliwanag pa ng Department of Trade and Industry secretary na inilalabas ng mangangalakal ang kanilang supply ng bigas dahil nababahala sila na baka maapektuhan sila kapag lalo pang bumaba ang presyo nito.
“Nakikita po natin ngayon na lumalabas na lahat ng supply. Kapag alam nilang (mga retailer) maraming supply, tiyak nila lalong inilalabas ang kanil-ang mga supply. Kapag kakaunti lalo silang naghihigpit,” sabi ni Lopez.
“Importante po na inilalabas ang supply para hindi sila maabutan ng mababang presyo,” dagdag pa niya.
“Dahil sa Rice Tariffication Law, walang trader na puwedeng mag-ipit ng supply,” sabi ni Lopez.
Bagama’t naging kalmado ang importasyon ng bigas, karamihan sa bigas sa merkado ay galing sa mga lokal na sources, sabi niya.
“More than 95% ng bigas sa bansa ay local rice pa rin,” ani Lopez.
“From many sources, nagkakaroon na ng stability sa supply ng bigas,” aniya. Ang matatag na supply ng bigas ay magbibigay ng pakinabang sa 108 milyong Filipino, lahad pa ni Lopez.
“Ang benepisyo nito, 108 million Filipinos ang kumakain ng bigas. Mas marami ang makikinabang dito,” pahabol niya.