PRESYO NG BIGAS BUMABA

BAHAGYANG bumaba ang presyo ng bigas, subalit ilang variety nito ang nanatili ang presyo sa mga pamilihan. Kuha ni RICK P. NICOLAS

BAHAGYANG bumaba ang  wholesale price ng bigas noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ng PSA na nagkaroon ng tapyas sa presyo ng well-milled pati na ng premium at special rice noong nakaraang buwan.

Nasa halos piso ang ibinaba ng presyo ng special rice na mula P55.27 noong Abril ay naging P54.78 noong Mayo.

Bumaba rin sa P53.43 ang presyo ng kada kilo ng premium rice mula P53.93 noong Abril habang bumaba rin sa P50.31 kada kilo ang average wholesale price ng well milled rice.

Batay naman sa Bantay Presyo ng DA, nasa P45 kada kilo ang pinakamababang presyo ng regular milled rice, P48 kada kilo sa well milled rice, P51 kada kilo sa premium rice habang P56 ang kada kilo ng special rice.

Una na ring tiniyak ng DA na pagsisikapan nito na makapagbenta ng bigas na mas mababa sa P30 kada kilo ang presyo sa buwan ng Hulyo hanggang Agosto.

PAULA ANTOLIN