POSIBLENG bumaba ang presyo ng regular- at well-milled rice sa P45 hanggang P48 kada kilogram habang papalapit ang bansa sa peak harvest season, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na binabantayan nila ang pagbaba sa retail prices, bagama’t ang umiiral na price range ay nasa P49/kg hanggang P50/kg pa rin sa Metro Manila.
“Until-unti nang bumababa, nakakakita na tayo ng mga PHP40 plus level… Posible iyan sa ganyang level. Tinitingnan naman natin na okay iyong harvest natin,” pahayag ni De Mesa sa isang radio interview.
Sinabi ni De Mesa na napakaliit lamang ng epekto ng El Niño phenomenon sa harvest season ng bansa, na inaasahan sa Marso hanggang Abril.
Bumubuo ito sa 14,000 ektarya ng damaged rice farms sa kasalukuyan, o 1.5 percent lamang ng total area na nakalaan para sa bigas.
“Inaasahan natin hanggang 9.6 million metric tons (MT) ang ma-harvest natin ngayong dry season na ito,” dagdag pa ni De Mesa.
Bukod sa yield supply, tinukoy rin niya ang bumababang presyo ng bigas sa international market na ngayo’y nasa USD570/MT level na.
Tiniyak din ng opisyal ang sapat na import volumes kasunod ng pakikipag-usap ni Laurel sa mga rice importer kamakailan.
“Mas mataas ito kumpara the same period last year ng almost 40 percent. So malaki iyong imports, karamihan nito ay pumasok ng January,” aniya.
Sa kasalukuyan, nasa 728,000MT ng imported rice ang pumasok na ng bansa.
(PNA)