INIREKOMENDA na ang pagdedeklara ng state of calamity sa Zamboanga City dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Isabelle Climaco-Salazar, sa kanilang monitoring umaabot sa P50 hanggang P70 ang presyo ng kada kilo ng bigas sa lungsod.
Aniya, ang commercial rice kasi na dapat ay para sa Zamboanga ay dinadala sa iba pang lugar sa Mindanao gaya ng Jolo, Sulu na naapektuhan kamakailan ng malaking sunog.
Ani Climaco, ang Zamboanga City ay nangangailangan ng 180,000 na sako ng bigas para mapunan ang tatlong buwan na buffer stock.
Sinabi nito, nakatanggap lamang ang lungsod ng 40,000 hanggang 50,000 na sako ng NFA rice na bahagi ng subsidiya ng gobyerno.
Sa monitoring ng Zamboanga City local government, sa bahagi ng Tumaga District umabot sa P68 kada kilo ang pinakamahal na presyo ng bigas.
At P70 naman ang pinakamahal sa Ayala District at Manicahan District.
Dahil dito, nagpapasaklolo ang Zamboanga City sa pamahalaan sa harap ng matinding kakapusan ng bigas sa kanilang siyudad.
Anang Alkalde, batay sa nakuha niyang impormasyon, dalawang permit para makapag-import ng bigas ang naibigay sa Zamboanga City.
Kaya’t umapela si Climaco sa pamahalaan na tiyaking mapupunta sa kanilang siyudad ang mga inangkat na bigas at hindi mada-divert sa ibang lugar.
“Hiniling po namin mismo sa mga supplier ng bigas kung puwedeng maibenta rito at maipadala sa Zamboanga City para hindi ma-divert sa ibang parte ng Filipinas, kasi po ang nangyayari dahil sa sunog doon sa Jolo, nakulangan din sila ng bigas hindi na po nakararating sa Zamboanga ang bigas, nako-corner po kasi sa Basilan at Jolo Sulu, ang isa pang reason ang aming lungsod ay 13% rice producer only kaya dependent po kami sa ibang mga lugar,” giit ni Climaco.
Comments are closed.