PRESYO NG BIGAS SA ILANG PAMILIHAN NABAWASAN NG P5 KADA KILO

Bigas

NABAWASAN ng hanggang P5 ang presyo ng kada kilo ng bigas sa ilang pamili- han sa Metro Manila dahil sa umano’y mas malayang pagangkat ng bigas na sinabayan ng anihan ng mga magsasaka

Sa isang pamilihan sa Quezon City, naging P35 na lamang ang isang kilo ng lokal na regular milled rice mula P38, nasa P40 hanggang P44 naman ang lokal na well milled rice mula P42 hanggang P46.

Ang lokal na premium grade rice naman ay naglalaro sa P46 hanggang P47 ang isang kilo at mula P47 hanggang P48, at ang imported na premium rice ay nasa  P47 na lang mula sa P48.

Ang special rice naman ay nasa P47 hanggang P60 na lamang mula sa P50 hanggang P65.

Samantala, sa Kamuning Market sa Que­zon City rin, bumaba sa P46 na lamang ang lokal na premium grade rice mula sa P49.

Naglalaro naman sa P50 hanggang P56 ang lokal na special rice mula sa P52 hanggang P57, at P48 mula sa P50 ang imported na special rice.

Nasa P42 hanggang P44 ang imported na well-milled rice mula P44 hanggang P46.

Walang paggalaw sa presyo ng NFA rice na nasa P27 sa parehong nabanggit na pamilihan.

“Sumabay po sa anihan at saka marami po tayong imported,” lahad ng isang tindero.

Ayon naman sa national coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (Masipag), maaaring tumaas ang presyo ng bigas dahil sa epekto sa agrikultura ng El Niño phenomenon.

“‘Yong mga magsasaka sisikapin nilang isalba ang kanilang mga ani. Ibig sabihin niyan gagastos sila nang malaki sa gasolina,” sabi ni national coordinator.

Sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture, umakyat na sa P5.05 bilyon ang halaga ng pinsala ng El Niño sa industriya, partikular sa palay at mais.

“We don’t expect that the El Nino will have adverse impact on our national production,” ani Piñol.

Nanindigan si Piñol na hindi puwedeng magmahal ang bigas dahil steady ang suplay at marami ang inangkat na bigas.

Comments are closed.