NANANATILING mataas ang presyo ng commercial rice sa Zamboanga City sa kabila ng pagdating ng dagdag na supply nito.
Hindi pa rin inaalis ang state of calamity doon kahit pa inanunsiyo noong Agosto 24 ni Agriculture Secretary Manny Piñol na “tapos na” ang krisis sa supply ng bigas sa naturang siyudad.
Ayon kay Piñol, ilalaan para sa Zamboanga ang 132,000 metric tons na bigas na darating sa mga susunod buwan.
May dumarating na ring dagdag na supply mula sa Metro Manila, western Mindanao at Central Mindanao pero hindi pa rin bumababa ang presyo sa mga pamilihan.
Sa isang tindahan, pumapalo pa rin sa P63 kada kilo ang presyo ng commercial rice at limitado pa rin ang supply na dumarating sa kanila.
Hirap pa rin ang ilang residente sa mataas na presyo ng commercial rice lalo pa’t inaasahan nila na unti-unti nang bababa ito sa pagpasok ng mga supply.
Ayon kay Zamboanga City Vice Mayor Cesar Ituralde, mananatiling nasa ilalim ng state of calamity ang lungsod.
Hindi pa kasi bumalik sa normal ang presyo ng bigas at limitado pa rin ang supply sa mga tindahan.
Ayon pa kay Ituralde, “short-term solution” lang daw ang ibinigay ni Piñol sa lungsod.
Dapat daw kasi ay tulungan sila ng Department of Agriculture na maging self-sufficient pagdating sa supply ng bigas lalo’t 13 porsiyento lang ng total rice requirement ng lungsod ang napupunan ng local rice production habang malaking bahagi ng supply ay nagmumula sa iba’t ibang lugar sa Western at Central Mindanao.
Nais din ni Ituralde na paigtingin pa ang kampanya kontra smuggling na siyang pumapatay umano sa industriya ng pagpapalay sa lungsod.
Comments are closed.