ETO naman ang panibago ngayong problema ng mga mamamayan sa pang araw-araw na buhay.’Yung ang iba nga ay wala ng trabaho at ang iba naman ay maliit lang sweldo, tiyak na pahirapan na naman sa pagba-budget.
Nung isang araw, nag-grocery ang Kaliwat Kanan sa isang Purong Ginto grocery. Alam n’yo ba na dito lamang nakakabili ng Vietnam rice na lagi kong inaabangan dahil ito ang aming isinasaing. Ito na kasi ang pinakamurang bigas ang Vietnam rice.
Mabango kasi ito at masarap kainin kahit walang ulam ay mapaparami ang kain.
Parang anim na buwan ata itong wala silang stocks,kasi mabenta ito dahil mura lang kaya palaging nauubos ito.
Kaya nang magkaroon ng stocks ay medyo marami-rami na akong binili bagamat maliit lamang naman kaming kumain baka kasi magkaubusan ay makakabili ng mahal na ang per kilo ay hindi pa maganda.
Ngunit nagulat ako sa balita na magmamahal na nga raw ang presyo ng bigas.
Kinumpirma ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagtaas na ang presyo ng bigas sa bansa pero sapat naman ang supply nito.
Kahit pa sabihing sapat kung wala namang ibibili dahil mahal.
Paliwanag ni SINAG president Rosendo So, nagtaas kasi ng presyo ang Thailand at Vietnam kaya apektado rin ang presyuhan sa Pilipinas.
Ang world market price ng bigas sa Thailand kumbaga halimbawa raw ay 648 dollars na ngayon, dati ay 520 dollars lang.
“Yung sa Vietnam nasa 618 na dati 500 dollars. Ang laki ng itinaas ng presyo ng Vietnam and Thailand rice,” sabi pa ng SINAG.
Kasi nga naman nakakaranas ngayon ng kakulangan ng tubig sa irigasyon ang Thailand kaya nagbabawas sila ng ine-export na bigas upang hindi sila kapusin sa supply.
Mabuti naman at nakikipag -ugnayan na ang mga opisyal sa DTI para imonitor ang presyo nito.
Kaya agwanta na lamang tayo ngayon sa bigas na di maganda ay mahal pa.
Mas damihan na lamang natin ang pagkain ng isda at gulay.