INAASAHANG tataas pa ang retail prices ng bigas sa mga susunod na linggo.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ito’y dahil sa mataas na farmgate prices ng palay sa gitna ng dry season, mataas na input costs, at mababang buffer stock.
Sa loob ng isang linggo ay tumaas ang presyo ng commercial rice ng P5 hanggang P6 sa Kamuning Public Market sa Quezon City.
Sa ulat ng GMA News Online, ang presyo ng commercial rice tulad ng jasmine rice ay nagkakahalaga ngayon ng P55 kada kilo, tumaas ng P6, habang ang presyo ng denorado ay tumaas ng P5 sa P52 kada kilo.
Sa iba pang mga palengke, ang pinakamurang local well-milled rice ay nagkakahalaga ng P39 kada kilo.
Ayon sa mga retailer, ang paggalaw ng presyo ay base sa kung magkano nila binili ang bigas mula sa mga trader.