PRESYO NG BILIHIN AASAHANG TATAAS NGAYONG PASKO

Hindi maiiwasan ang pag-akyat ng presyo ng mga agricultural pro­ducts tuwing magpapasko dahil sa lumalakas na demand subalit inaasahang bababa rin naman ulit pagsapit ng Pebrero.

Ito ang ipinahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos pangunahang inspeksyonin ang ilang pamilihan tulad ng Pasay Public Market ngayong Biyernes, dalawang linggo bago magpasko.

“I think ang pres­yo ngayon, ito na yun e.Hindi na dapat tumaas kasi halos peak na ito e. Tingin ko ano? Kung mayroon mang tumaas baka 5 percent na lang dapat. Pero tinging ko ito na yun. Medyo mataas na ito,” sabi ni Tiu Laurel.

Bagamat stable ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa ngayon, kapansin pansin din ang biglang pagtaas ng ilan sa Metro Manila.

Sa Pasay Public Market lamang ang halaga ng liempo ay P390 kada kilo, samantalang P320 kada kilo naman ang kasim. Mahal aniya ang bentahan dahil sa African Swine Fever (ASF).

Ang buong manok naman ay P200 kada kilo, samantalang P220 kada kilo naman ang choice cuts. “Nasa P175 na po ang puhunan namin e.Ang laki po ng itinaas,”sabi ni Victor Gavino, retailer ng manok.

“Sa ngayon kasi Pasko e.I think, we cannot. Hindi natin mapigilan tumaas ang presyo ng kaunti lalo na kasabay pa yung may ASF pa sa baboy.Pero kanina yung bangus at tilapia, actually tama yung presyo e. Live na tilapia P140.Yung bangus P170. Tama yun e. Unfortunately, wala akong nakitang imported na isda. So baka short din yung. Short tayo sa galunggong,”ang sabi ni Tiu Laurel.

Sa presyo naman ng itlog bahagyang tumaas din sa ibang pamilihan.

“Hati hati ang itlog para lahat sila, lahat kaming sinusuplayan makakakuha,” sabi ni Annalyn Evangelista, egg retailer and wholesaler.

“Kung bagsak ang preso six months ago at nalulugi yung mga nag- iitlugan, kinatay nila yung mga layer nila para ibenta, para magkapera. Ngayon naman na tumataas ang demand dahil sa kapaskuhan. Yung layer naman ngayon pa lang sila mag iimport uli ng mga hatching eggs  para mag-lay. So baka by February bababa uli yan,” dagdag ng kalihim.

Ayon sa mga mamimili, kanya kanyang diskarte na lang daw para mapagkasya yung budget sa Pasko at bagong taon.

“Halimbawa, sa spaghetti, mga kalaha­ting kilo lang. Pag may mga ibinibigay na de lata yun na lang ang iniluluto ko. Pag wala, wala talaga. Ang iba naman ay inuunti unti na ang pagbili malayo pa man ang Pasko upang pagsapit ng Pasko ay hindi na  mabigat.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia