PRESYO NG GASOLINA PAPALO SA 100/LITRO

MAAARING  pumalo sa P100 ang kada litro ng gasolina sa mga susunod na linggo depende kung hindi mapipigilan ang pagsirit ng presyo sa international market.

Ito ang inamin ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa gitna ng walang prenong oil price increase.

Ayon kay Cusi, sa ngayon ay nasa 125 dollars na ang kada bariles ng Dubai crude na pangunahing inaangkat ng Pilipinas habang ang retail price ng gasolina ay sumasampa na sa P70 kada litro.

Sa kabila nito, umaasa at nananalangin aniya sila na hindi na tataas pa ang presyo ng Dubai crude sa world market.

Samantala, hiniling ng transport group na magkaroon muna ng pisong dagdag sa minimum fare habang hinihintay pa ang desisyon ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board ukol sa hirit nilang P14-P15 na minimum na pasahe.

Ayon kay 1-Utak President Vigor Mendoza, dapat ibigay na muna ang hirit na pisong provisional fare increase. “Kung linggo-linggong tataas ang presyo ng petrolyo at walang aksiyon ang gobyerno, malamang bumalik sa pamamalimos ang mga tsuper,” ani Mendoza.