HETO na naman. Ngayong araw, tumaas na naman ang presyo ng gasolina sa ating bansa. Ayon sa balita, ang kerosene ay nagtaas ng 0.45 sentimo at ang diesel naman ay tumaas ng 0.65 sentimo. Ang pinakamalaking itinaas ay ang gasolina na nagtaas ng 0.80 sentimo. Kaya naman halos papalo na ng P75 kada litro ng gasolina at mahigit sa P65 kada litro sa diesel simula ngayong araw. Haaaays.
Subalit sa gitna ng patuloy ng pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina, ang Meralco ay naghatid ng magandang balita sa mga customer nito. Sa ikalawang pagkakataon ngayong taong 2022, inanunsiyo ng Meralco ang muling pababang paggalaw ng presyo ng koryente ngayong Pebrero. Bumaba ng P0.1185 kada kilowatt-hour (kWh) ang presyo ng koryente ngayong buwan kaya mula sa presyong P9.70 kada kWh noong Enero, ito ay nasa P9.58 kada kWh na lamang.
Ang halagang ibinaba ng presyo ng koryente ngayong buwan ay katumbas ng P24 na bawas-singil sa Meralco bill ng mga customer na may karaniwang konsumo na 200 kWh kada buwan. Kung susumahin ang dalawang beses na pagbaba ng presyo ng koryente, tinatayang nasa P0.19 kada kWh na ang ibinaba nito ngayong 2022. Ito ay katumbas ng kabuuang halaga na P39 na natipid ng mga residential customer ng Meralco na may 200 kWh na konsumo kada buwan.
Mabigat ang pinagdaraanan ng mga konsyumer sa kasalukuyan lalo na at nagtaas muli ang presyo ng gasolina at diesel. Pihadong hihingi ng dagdag pasahe ang mga pampublikong transportasyon. Ganun din ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga produkto at pagkain dahil sa pagtaas ng konsumo ng krudo ng kani-kanilang mga sasakyan pang delivery. Lumuwag nga nang bahagya ang quarantine restrictions na ipinatutupad ng pamahalaan na siyang nagbigay-daan sa muling pagbabalik sa operasyon ng ilang mga negosyo at pagbabalik sa trabaho ng ilang mamamayan, marami pa rin ang hirap sa kanilang budget sa araw-araw. Kaya anumang balita ukol sa pagbaba at pagtaas ng sa presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo gaya ng koryente ay maituturing na malaking tulong o dagdag pasanin para sa ating mga konsyumer.
Ang pagbaba ng presyo ng generation charge o ang ibinabayad ng Meralco sa mga supplier nito ng koryente tulad ng mga power plants at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang tinutukoy na pangunahing dahilan sa pagbaba ng presyo ng koryente ngayong Pebrero.
Malaking bagay ang pagbabang ito at naging sapat upang hatakin pababa ang kabuuang presyo ng koryente ngayong buwan. Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na tinatayang mahigit 50% ng ating binabayaran sa koryente ang napupunta sa generation charge kung kaya’t anumang paggalaw sa presyo nito ay tiyak na nakaaapekto sa kabuuang presyo ng koryente kada buwan.
Tiyak na malaking tulong sa mga konsyumer ang pagbaba ng presyo ng koryente, lalo na sa mga mamamayan na direktang naapektuhan at umaaray sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Patuloy ang pagbaba ng presyo ng koryente, ngunit hinihikayat pa rin ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente lalo na’t papalapit na naman ang panahon ng tag-init.
Hindi dapat mangamba ang mga customer dahil maraming paraan upang makatipid sa konsumo sa koryente, hindi lamang sa panahon ng tag-init kundi sa buong taon. Kung gumagamit ng aircon sa bahay, ugaliin ang regular na pagpapalinis nito. Maaaring magresulta sa humigit kumulang P334 kada buwan na maititipid ng customer na gumagamit ng 1hp window type aircon.
Mahalaga rin ang masiguro na akma ang uri ng aircon sa laki ng kuwarto o espasyong palalamigin nito upang hindi mahirapan ang air conditioning unit palamigin ang nasabing kwarto. Isa ring paraan upang makatipid sa paggamit ng aircon ay ang paglalagay nito sa katamtamang setting na 25C sa halip na 18C.
Tinatayang maaaring umabot ng humigit kumulang P991 kada buwan ang matitipid ng customer na may 1hp window type aircon kung susundin ang payong ito.
Sa paggamit naman ng refrigerator, siguraduhin na sumasara nang maayos ang pinto nito at walang lumulusot na lamig dahil mas mahihirapan sa pagtatrabaho ang compressor nito kung sumisingaw ang lamig mula sa loob. Ito ay maaaring magresulta sa pagtaas ng konsumo sa koryente.
Mahalaga rin ang regular na paglilinis ng bentilador. Hindi dapat hayaang nagkakaroon ng makapal na alikabok ang blade at motor nito. Maaaring makatipid ng P5 kung susundin ang simpleng payong ito.
Para sa kumpletong listahan ng mga tip na maaaring sundin ng mga customer, bumisita lamang sa opisyal na website ng Meralco www.meralco.com.ph at hanapin ang Bright Ideas.