TUMAAS ang presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan dahil umano sa mainit na panahon.
Batay sa ulat, tulad na lamang sa Balintawak Market, umabot na sa P60 ang kilo ng repolyo na dating P30.
Mahigit doble naman ang itinaas ng luya na nasa P45 kada kilo na mula sa dati nitong presyo na P20 kada kilo.
Umabot naman sa P140 ang kilo ng siling labuyo na dating P80 at ang kalamansi naman na dating P45 ay tumaas hanggang P70.
Aabot naman sa P75 ang kilo ng sibuyas mula sa P60 habang ang kamatis naman ay P30 na dati ay P20 kada kilo.
Samantala, tatlong buwan ng mataas ang presyo ng karneng baboy sa nasabing pamilihan.
Itinuturong dahilan din ng ilang tindera ang mainit na panahon kaya’t mahirap umano mag-alaga ng mga baboy.
Kaugnay nito, sinabi ni Undersecretary Ruth Castelo ng Department of Trade and Industry, na halos piso ang itinaas sa presyo ng ilang pangunahing bilihin ngayong linggo lamang.
Sinabi ni Castelo na kasama sa kanilang komputasyon ang pinakahuling pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at epekto pa rin ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Umabot sa 33 porsiyento ang itinaas ng distribution cost o pagdadala ng produkto sa merkado dahil sa mataas na presyo ng petrolyo. DWIZ882
Comments are closed.