PINANGANGAMBAHAN na tataas pa ang presyo ng gulay dahil sa sunod-sunod na bagyo, at sa Metro Manila ay dumagdag pa rito ang dami ng middle man na pinagdadaanan ng mga ito.
Ayon sa mga tindera sa Pasig market, naiintindihan nila na ang pagtaas ng presyo ng gulay noong mga nakaraang araw ay bunsod ng mga nagdaang bagyo na sumalanta sa mga pananim sa mga kanayunan.
Nauna rito ay inamin ng Department of Agriculture (DA) na bumaba ang produksiyon ng gulay dahil sa magkakasunod na bagyo.
Sinabi ng DA na posibleng tumagal ng hanggang dalawang linggo ang pagtaas ng presyo ng mga gulay.
Tiniyak naman ng Benguet Farmers’ Cooperative na sapat pa ang suplay ng gulay tulad ng carrots, repolyo, at pechay Baguio pero hindi, aniya, maiiwasang tumaas ang presyo ng mga ito dulot ng epekto ng mga sunod-sunod na bagyo.
Samantala, lubha umanong mataas ang presyo ng mga gulay sa Metro Manila dahil sa dami ng middle men na nagpapatong sa presyo ng mga ito.
Ayon kay Agot Balanoy, manager ng Benguet Farmers’ Cooperative, umabot sa pito hanggang siyam na layer ang pinagdadaanan ng mga gulay bago makarating sa mga pamilihan sa Kalakhang Maynila.
At dahil dito, nadoble na ang presyo ng mga gulay kapag nakarating na sa mga bagsakan, halimbawa sa Divisoria at Balintawak. Mayroon na, aniya, itong patong na P13 kada kilo hanggang P15 kada kilo.
“‘Yung pagmahal po niyan sa Metro Manila, lubhang mataas dahil sa dami ng middle men na nagpapatong sa presyo nito,” sabi ni Balanoy.
“‘Yung pagmahal po diyan sa Maynila… lalo na po kung sa talipapa po ninyo na-monitor ang presyo talagang mataas na mataas na po. Kasi sa research namin 7 to 9 layers po ang pinagdadaanan ng mga gulay bago po makarating sa consumers talaga. ‘Yung talagang kakain na. Ang pinapatong po nila per kilo ‘yung landed po diyan sa Divisoria o sa
Balintawak nag-a-add po sila ng P13 to P15 per kilo depende po ‘yan dun po sa pagtaas ng fuel natin,”sabi ni Balanoy. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia