PRESYO NG HAMON TUMAAS—DTI

HAMON-2

TUMAAS ang presyo ng hamon sa ilang pamilihan kasunod ng pag-apruba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa hiling ng mga manufacturer nito.

Sa pag-iikot ng DTI para mag-monitor ng mga presyo sa mga pamilihan kahapon, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na tumaas ng 2 hanggang 11 porsiyento ang presyo ng mga tindang hamon, depende sa laki nito.

Ayon kay Trade Secretary Lopez, humirit ang mga manufacturer ng hamon sa DTI ng taas-presyo dahil sa pagmahal ng raw materials.

Tumaas naman ng P10 hanggang P30 ang presyo ng hamon, kum­para sa mga presyo noong nakaraang taon, base sa datos ng DTI.

Dagdag pa ng DTI na nasa P155 hanggang P189 ang range ng 500 gramo ng hamon noong Oktubre 2019 mula P145 hanggang P169 noong Oktubre 2018.

Mula naman sa P270 hanggang P949 na price range noong Oktubre 2019, naging P299 hanggang P1,025 na ang presyo ng isang kilong hamon.

Wala namang nakita ang DTI na pagtaas sa presyo ng ibang Noche Buena products.

Nauna nang sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na wala nang aasahang taas-presyo sa Noche Buena products hanggang matapos ang 2019.

Samantala, higit 160 kahon ng substandard Christmas lights ang kinumpiska ng DTI sa isang tindahan sa Maynila ngayong Lunes dahil walang marka ng product safety standard o ng Import Commodity Clearance (ICC) mark ang mga pailaw.

Binigyan din ng notice of violation ang may-ari ng tindahan.

Comments are closed.