PRESYO NG ILANG NOCHE BUENA ITEMS BUMABA

INILABAS na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang 2024 Noche Buena products price guide, kung saan marami sa essential items na ito ang nanatili sa kanilang 2023 prices habang ang iba ay bumaba pa ang presyo.

Ayon sa DTI, ang guide ay kinabibilangan ng presyo para sa 236 stock keeping units (SKUs) mula sa 22 Noche Buena manufacturers sa 12 categories: ham, queso de bola, fruit cocktail, cheese, sandwich spread, all-purpose cream, mayonnaise, pasta noodles, elbow and salad macaroni, at tomato and spaghetti sauce.

Sinabi ng DTI na hindi nagbago ang presyo sa 121 SKUs, kabilang ang holiday staples sa ilang brands ng ham, fruit cocktail, queso de bola, sandwich spread, cheese, spaghetti sauce, tomato sauce, at all-purpose cream.

Ang 13 SKUs na bumaba ang presyo ay kinabibilangan ng mga piling brands ng mayonnaise, pasta, elbow macaroni, salad macaroni, at all-purpose cream.

Ayon sa DTI, layon ng price guide na bigyan ang mga consumer ng maraming pagpipilian ngayong holiday season.

Ang presyo ng ham ay naglalaro sa P170 hanggang P928.50; queso de bola, mula P210 hanggang P445; fruit cocktail, mula P61.76 hanggang P302.50; cheese, P56.50 hanggang P310; mayonnaise, P20.40 hanggang P245.85; at all-purpose cream, mula P36.50 hanggang P72.

Samantala, ang presyo ng sandwich spread ay nasa P27 hanggang P263.60; pasta o spaghetti, mula P32 hanggang P114; elbow macaroni, mula P30.50 hanggang P126.25; tomato sauce, P16.50 hanggang P92.85; salad macaroni, mula P36.50 hanggang P126.25, at spaghetti sauce, mula P28.50 hanggang P103.

Ang mga presyo na nakalista sa Noche Buena price guide ay mananatiling epektibo hanggang Dec. 31 upang matiyak ang access sa rasonableng presyo ng mga produkto hanggang Media Noche.

“Aligned with President Ferdinand Marcos Jr.’s directive to promote consumer rights and responsibilities, this year’s Noche Buena Price Guide demonstrates the DTI’s commitment to empowering Filipino families to make informed choices,” sabi ni DTI acting Secretary Cristina Roque.

“By publishing this price guide, the DTI urges consumers to compare prices and select products that best fit their budget and preferences for the holiday season.”

Ang kumpletong detalye ng 2024 Noche Buena price guide ay naka-upload sa website at social media platforms ng DTI.

Sinabi ng DTI na mahigpit nitong babantayan ang presyo ng Noche Buena items sa buong bansa.

Kapag ang presyo ay mas mataas sa guide, maaari itong i-report ng mga consumer sa 1-DTI hotline (1-384) o mag-email sa [email protected]. ULAT MULA SA PNA