PRESYO NG ISDA, TATAAS

NAGBABALA  ang isang pederasyon ng mga asosasyon ng commercial fishing na posibleng tumaas ang presyo ng isda dahil sa pagpupumilit ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa patuloy na implementasyon ng isa nitong administrative order.

Ayon sa Alliance of Philippine Fishing Federations Inc. (APFFI), isang napakalaking banta sa food security ang Fisheries Administrative Order (FAO) No. 266 ng BFAR dahil nagpapahina ito sa lokal na produksiyon ng isda.

Ang APFFI ay binubuo ng iba’t ibang samahan ng commercial fishing sa buong bansa mula Luzon hanggang Mindanao at ito’y kinabibilangan ng Inter-Island and Deep Sea Fishing Association, Quezon-Marinduque Fishing Boat Operators and Fishermen’s Association, United Bicol Fishing Federation, Bisayas Alliance of Fisherfolk and Operators Reform Inc., SOPHIL Fishing Association Inc., at One Visayas Fish Network Inc.

Binigyang-diin ng pederasyon na unang-unang nasasapol ang mahihirap na pamilyang Pilipino sa tuwing kinukulang ng suplay ng isda dahil nagtataas ang presyo nito, bukod pa sa nagiging palaasa ang pamahalaan sa importasyon kahit pa isang arkipelago ang bansa.

Ginawa ng APFFI ang pahayag nito sa gitna ng pinangangambahang walang basehang pag-“red card” ng European Commission sa karagatan ng Pilipinas na maaaring makadagdag sa masamang epektong dulot ng FAO 266 sa kakulangan ng isda at iba pang yamang dagat sa mga pamilihan.

Hinihingi sa ilalim ng FAO 266, na inisyu ng BFAR noong 2020, ang paglalagay ng lahat ng commercial fishing operators ng Vessel Monitoring Measures (VMM) at Electronic Reporting System (ERS) upang mabatid ang lokasyon ng mga ito sa dagat at maitala ang huli ng mga ito.

Ibinunyag ng APFFI na humatol ang Malabon City Regional Trial Court noong Hunyo 2021 na walang bisa ang FAO 266 ng BFAR dahil ito’y unconstitutional.

Anang APFFI, makikita rin sa records ng hukuman na pumasok sa isang kontrata ang BFAR kasama ang SRT Marine Systems Solutions Ltd. para sa isang VMS project bago pa ang paglabas ng FAO 266.

Kamakailan lamang, nagdesisyon din ang Palasyo na suspendiplhin ang implementasyon ng FAO 266 habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng Korte Suprema hinggil sa constitutionality nito.

Ang memorandum ay pirmado ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa ngalan ni Pangulong Bongbong Marcos.