SAN JOSE –TUMAAS ang presyo ng itlog sa mga Poultry farms sa bayan ng San Jose sa lalawigan ng Batangas.
Nabatid mula kay Lyn Umali, may-ari ng Bong & Remy poultry farm sa panayam sa kaniya ng media na pumalo na sa P15 hanggang P20 ang presyo ng itlog kada tray sa kanilang lugar.
Kung dati ay P170 hanggang P175 ang presyo ng mga itlog noong buwan ng Marso at Mayo, ito ngayon ay pumapatak na sa halagang P205 hanggang P210 bawat tray.
Dagdag pa ni Umali, isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng itlog ay ang pagpapalit ng mga panibagong manok sa mga kulungan.
Ayon pa sa kaniya, ang mga itlog na kasing laki na lamang ng itlog pugo dulot ng matinding init ng panahon ang napo-prodyus sa mga poultry farms, ngayon ay unti-unti ng nagiging normal ang laki ng mga ito.
Samantala, hindi pa rin permanente ang bilang ng mga itlog na nakukuha sa mga poultry dahil sa pabagu-bagong klima sa probinsya.
RUBEN FUENTES