PRESYO NG ITLOG TATAAS NG 10-20%

POSIBLENG tumaas ng 10 hanggang 20 porsiyento ang presyo ng  itlog habang papalapit ang pagbubukas ng klase, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Batay sa DA-Bantay Presyo, ang price range ng medium egg sa Metro Manila ay nasa P5.50 hanggang P9.

“Pagdating ng ‘ber’ months (September to December), normally nagti-trigger na ng panahon ng paglakas ng demand sa itlog at gaya ng nabanggit ko before, kapag ‘ber’ months at panahon ng pasukan,” sabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa isang panayam.

Para sa School Year 2024-2025, itinakda ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase sa Hulyo 29.

Gayunman, sinabi ni Philippine Egg Board Association president Francis Uyehara na nagsimula na ang pagtaas ng presyo sa ilang lugar, kung isasaalang-alang ang mga epekto ng “third quarter syndrome” — o ang outbreak period ng sakit — kung saan ang mga layer ay apektado ng mga namamatay at bumaba ang produksiyon.

Ngayong Hulyo, ang umiiral na farmgate price ng medium egg ay nasa P6.46 bawat piraso, mas mataas sa P6.07 noong nakaraang buwan at sa P5.80 sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ang kasalukuyang farmgate price para sa mga medium na itlog ay malapit na sa holiday season (Setyembre 2023 hanggang Enero ngayong taon) na P6.31 hanggang P7.12 bawat piraso.                

EVELYN GARCIA