PRESYO NG ITLOG TUMAAS; ASF SINISI

ITLOG-4

TUMAAS ang presyo ng itlog sa ilang pamilihan sa Quezon City, na isinisisi ng ilan sa pagkalat ng African swine fever (ASF) at sa pagtaas ng demand sa mga produkto ng manok.

Ayon kay Gregorio San Diego, chairman ng Philippine Egg Board, tumaas ang demand sa manok ngayong mayroong pangamba sa ASF.

“Sana naman malutas ang problema sa baboy na kasama rin natin sa industriya. Pero hangga’t hindi nareresolba ang problema diyan, siyempre lilipat ‘yung tao sa ibang source ng protina,” ani San Diego.

Nasa P5.10 hanggang P5.40 kada piraso ang farm gate price ng maliliit na itlog kaya nasa P5.50 hanggang P6.20 kada piraso ang presyo nito sa merkado.

Sa isang tindahan sa Mega Q Mart sa Quezon City, tumaas sa P6 hanggang P6.40 ang kanilang bentahan, na sinisisi sa kakulangan ng suplay.

“Kulang talaga ng suplay, mas lumiit din ang mga itlog. Dati 15 trays, ngayon 10 or minsan 8 na lang naibibigay. P200 hanggang P190 per tray ang bigayan, dati P150 hanggang P160 lang,” ayon sa isang tindera.

Comments are closed.