KAMATIS PUMALO SA P210/KILO

TUMAAS ang presyo ng kada kilo ng kamatis sa Metro Manila ng hanggang ₱81 kumpara sa presyo noong nakaraang linggo, ayon sa latest monitoring ng Department of Agriculture (DA).

Ang ₱210 kada kilo na presyo ng kamatis ay base sa paggalaw ng presyo sa 12 wet markets sa Metro Manila: Commonwealth, Guadalupe, Las Piñas, Malabon, Marikina, Mega Q-Mart, Muntinlupa, Muñoz, Pasay, Pasig, Pritil, Quinta, at San Andres.

Ang presyo ng kamatis ay unti-unting tumaas magmula noong Abril, noong ang presyo nito ay ₱60 – ang pinakamababang naitala noong 2023.

Noong buwang iyon, ang mga kamatis ay hindi maibenta sa mga palengke at sa halip ay itinatapon dahil sa oversupply.

Gayunman, ang presyo ay sumirit sa ₱120 kada kilo noong Hulyo — mas mataas ng ₱45 kumpara noong Hunyo.

Ang pagtaas ay dahil sa pinsala sa agrikultura ng bagyong Egay, na nanalasa sa ilang bahagi ng bansa, partikular sa northern Luzon, noong late July.
ULAT MULA SA CNN PHILIPPINES