PRESYO NG KARNE NG BABOY TUMAAS

BABOY

TUMAAS ng mula sampu hanggang dalawampung piso ang presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan.

Kung dati ay P190 pesos ang kada kilo ng baboy, ngayon ay naglalaro na  ito sa P200 hanggang 210 pesos depende sa itataas ng presyo ng mga nagde-deliver, ayon sa isang nagtitinda sa Balintawak Market.

Nagtaas umano ang mga nagde-deliver ng baboy na mula pa sa Rizal, Bulacan, Batangas at iba pang karatig probinsya na nagbunsod sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy kasunod ng mga pagtaas ng iba pang bilihin gaya ng gasolina.

Dagdag pa ng mga nagtitinda, ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy ang dahilan kung bakit nabawasan ang dami ng binibili ng mga kons­yumer.

Matatandaang kamakailan lang ay may kumalat na mga post sa social media at text messages tungkol sa swine flu na sakit ng mga alagang baboy.

Sa kabila nito, nananatiling normal pa rin ang bentahan ng karne ng baboy sa pamilihan.

Sinisiguro naman ng mga nagbebenta na ligtas, sariwa, at dumaan sa inspeksiyon ng National Meat Inspection Services (NMIS) ang kanilang iti­nitindang baboy kaya walang dapat ikabahala ang mga mamimili. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.