PRESYO NG KORYENTE BUMABA NANG HUSTO

Magkape Muna Tayo Ulit

MAGULO at mahirap ang ating naranasan sa pagpasok ng taong 2020. Buwan ng Enero pa lamang ay nasaksihan natin ang pagputok ng Bulkang Taal. Nandiyan din ang nakabibiglang pagpanaw ni NBA legend Kobe Bryant, at higit sa lahat ay ang pag-usbong ng nakamama-tay na 2019 novel coronavirus!

Magkagayon man, mayroon naman tayong maaasahang magandang balita na makapagpapagaan sa ating kalooban.

Kamakailan lang ay inanunsiyo ng Meralco na sa ikalawang sunod na buwan ay bumaba ang singil sa koryente na ngayon ay nasa P8.8623 kada kWh.  Ito na ang pinakamababang singil sa koryente sa nakalipas na dalawang taon, na mas mababa rin kung ikukumpara sa singil noong Pebrero 2010.

Alam ba ninyo na ito na rin ang unang pagkakataon sa loob ng limang taon na bumaba ang singil sa koryente sa buwan ng Pebrero?  Kadalasan kasi ay  tumataas ang singil kapag Pebrero dahil sa pag-normalize ng mga outage allowance tuwing buwan ng Enero.  Todo-todo sa pagiging kontra agos ang presyuhan ng singil ng koryente, ah!

Ang pagbaba ng halos P0.5900 kada kWh ay magbibigay ng halos P118 na savings para sa isang kabahayan na kumokonsumo ng halos 200kWh kada buwan. Karagdagang budget para sa paparating na Valentine’s Day, hindi ba?

Ayon sa tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga, ang dahilan kung bakit bumaba ang singil ng koryente sa buwang ito ay ang pagpapatupad ng mga bagong Power Supply Agreement o PSA na nagsimula noong Disyembre 26, 2019.  Ito ‘yung mga PSA na pilit kinokontra na maiimplementa noong nakaraang taon, na ngayon ay nararamdaman na natin ang maganda at nakagagaang na epekto nito.

Ang nasabing bagong PSA kung saan tatlong kompanya ang magsusuplay ng koryente na kinabibilangan ng San Miguel Energy Corporation, South Premier Power Corporation, at AC Energy upang makapagbigay ng kabuuang 1,200MW ng kor­yente ay nagrehistro ng mas mababang genera-tion cost na nakatulong sa pagbaba ng singil sa koryente.  Ang PSA na ito ay dumaan sa matinding Competitive Selection Process (CSP) noong nakaraang taon na binantayan ng Department of Energy (DOE) at ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Pero hindi pa rito nagtatapos ang usapan ng PSAs.  Mayroon pang isang PSA na malapit na ring maaprubahan ng ER. Ito naman ay para makapag-bigay ng kabuuang halaga na 1,700MW na manggagaling naman sa tatlong iba’t ibang kompanya katulad ng San Miguel Corporation, Ayala Corpora-tion, at First Gen Corporation.  Napaulat na noong isang araw na sinabi mismo ni ERC Chair Agnes Devanadera na bago matapos ang buwang ito ay mailalabas na nila ang approval para sa PSA na ito.

Tayo’y magpasalamat sa Department of Energy (DOE)  dahil sa kanilang tulong sa buong pro­seso ng CSP, gayon din sa ERC sa mabilisang probisyunal na pag-apruba nitong mga CSP na ito upang makatulong sa ating mga konsyumer.  Sana ay magtuloy-tuloy na ang mga magagandang balita para sa atin, at iwan na natin ang mga masasama at malulungkot na balita sa buwan ng Enero.

Comments are closed.