PRESYO NG KORYENTE SA 2020 MAS MABABA KAYSA NOONG 2010

Magkape Muna Tayo Ulit

MARAMI ang nagagalit sa Meralco nitong mga nakaraang mga buwan dahil sa taas ng singil ng koryente. Subali’t alam naman natin, bagama’t ang mga iba ay pilit na hindi inuunawa, ito ay simpleng kaso lamang na tinatawag na bill shock. Ito ay dulot ng pandemyang CO­VID-19 at napilitan ang ating pamahalaan na magdeklara ng ECQ. Dahil dito, tayo ay nanatili sa ating mga tahanan at lumakas ang konsumo natin ng koryente sa ating tahanan. Ang lahat ng negosyo ay sarado. Walang nakapagbayad ng lahat ng uri ng buwanang bayarin. Kaya naman nagkaipon-ipon lahat ang mga ito.

Marami ang naghusga na ang taas daw ng singil sa koryente. Subali’t may datos na nagsasabi na ngayong taon ay naitala na ang pres­yo ng koryente ay mas mababa pa kaysa sa presyo nito sampung taon na ang nakalipas. Katatapos lang makipagpulong ng Meralco sa media at mga investors nito para ibahagi ang business results nila para sa unang anim na buwan ng taon.

Ayon sa Meralco, Php8.19/kwh na lang ang overall na average na presyo ng koryenteng kinokonsumo ng customers nila mula Enero hanggang Hunyo 2020. Ito na ang naitalang pinakamababang presyo sa loob ng tatlong taon.

Ano ang ibig sabihin nito? Panalo ang consumers sa balitang ito dahil bagamat lahat ng presyo ng mga kalakal ay nagsitaasan na, ang presyo ng koryente ay mas bumaba pa pala sa sampung taon na dumaan.

Dagdag pa sa ulat ng Meralco, dulot ito sa pakikipagkontrata nila sa suppliers ng koryente na may pinakamababang inalok na presyo. Dahil sa murang halaga nakuha ang suplay, mas mura rin nila naibenta sa customers nila. Ginamit din ng Meralco ang “Force Majeure” sa mga kontrata nito kaya Php1.8 billion daw ang naibawas sa si­ngil ng koryente.

Isa pang dahilan ay bumaba rin daw ng 21% ang system loss charge kumpara noong 2019, at sana ay magtuloy-tuloy pa ito para mapababa pa lalo ang total na presyo. Ito ay sa kabila ng mga pagpuna sa Meralco, na humaharap ngayon sa rami ng customers nito na nagtatanong, naguguluhan at nagrereklamo tungkol sa bills na pinamigay nitong quarantine, at sa bill shock na naranasan nila.

Pero kung tutuusin, tulad ng bungad ng aking kolum, kung mababa ang per kwh na presyo pero mataas pa rin ang bill, ang nadagdagang konsumo na ang dahilan nito. Kunwari, may ina­asahan kang bisita kaya nagdagdag ka ng handa. Pareho pa rin ang presyo ng karne pero nagdagdag ka ng isang kilo. Mas malaking budget ang ginamit mo nang namalengke ka. Kasalanan ba ito ng tindera?

Aminin! Marami sa atin ang naka-quarantine, sa bahay lang natengga at buong araw sa gadgets at appliances umasa. ‘Ika nga ‘work from home’ ang karamihan sa atin. Kaya asahan na tataas ang bill sa kor­yente, ‘wag na magtaka.

Mag-uumpisa na ang online classes ng mga estudyante, sigurado dagdag na naman ito sa koryente sa mga kabahayan. Hindi natin alam kung kailan pa magkakaroon ng vaccine para magbalik-normal ang buhay natin pre-quarantine. Mabuti nang tayo mismo sa sarili natin, kontrolin ang konsumo sa koryente. Mara­ming simpleng paraan na malaki ang epekto kung araw-araw at tuloy-tuloy na gagawin, gaya ng pag-unplug ng applian­ces na hindi ginagamit, pag-set ng temperature ng aircon sa 25 degrees, paglinis ng electric fan, at maging ang pag-limit sa bukas-sara ng refri­gerator. Kung pagsama-samahin ang mga ito, malaking tipid sa kor­yente at siguradong mas mababang bayarin.

o0o

Nais kong batiin ang mga kapatid nating mga Muslim sa paggunita nila ngayon ng Eid al-Adha o Feast of the Sacrifice.

Comments are closed.