PRESYO NG KORYENTE SA PROBINSYA MAS MATAAS PA PALA SA MERALCO

ISANG post ang inilabas ng Bombo Radyo Laoag sa Facebook page nito na umani ng libo-libong reaksiyon at komento mula sa mga netizen kaugnay ng isyu ng matinding pagtaas ng presyo ng koryente sa naturang probinsya.

Ang impormasyong nakapaloob sa post ay mula sa Benguet Electric Cooperative (Beneco) Member-Consumer-Owners (MCO) kung saan ipinakikita ang presyo ng koryente ng walong electric cooperative (EC) at distribution utility (DU) sa bansa kabilang ang Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC.

Lumutang sa post ang INEC bilang may pinakamataas na presyo ng koryente sa P18.56 kada kilowatthour (kWh) ngayong buwan ng Hulyo.

Sa naturang post ay pinupuri ng Beneco-MCO ang lokal nitong kooperatiba dahil sa mababang presyo ng koryente sa kanilang lugar na nasa P9.47 kada kWh lamang. Buong pagmamalaki ring binanggit ng grupo sa nasabing post na Beneco lamang ang tanging EC na ginawaran ng Ace of Tariff Award noong 2021 dahil ito ang may pinakamababang presyo ng koryente sa 121 na EC sa bansa.

Hindi naman masisisi na magresulta sa negatibong reaksiyon mula sa maraming konsyumer ang naturang post na naglalaman ng impormasyon mula sa Beneco dahil talaga namang napakalayo ng presyo ng koryente nito sa presyo ng karamihan sa listahan. Ang Meralco na distributor ng koryente sa Metro Manila at mga kalapit na lungsod at probinsya ay pumapangalawa sa may pinakamababang presyo sa halagang P9.75 kada kWh.

Pumapangalawa sa INEC bilang may pinakamataas na presyo ng koryente ang Nueva Vizcaya Electric Cooperative (NUVELCO) sa P16.49 kada kWh. Sinusundan ito ng Ifugao Electric Cooperative, Inc (IFELCO) sa presyong P15.28 kada kWh, Pangasinan III Electric Cooperative (PANELCO) na may P14.46 kada kWh, Ilocos Sur Electric Cooperative (ISECO) na may singil na P13.67 kada kWh, at Isabela Electric Cooperative (ISELCO) na may P12.88 kada kWh.

Nakagugulat na ganito kamahal ang koryente sa probinsya. Ang presyo ng koryente ng INEC ngayong buwan ay hindi na nalalayo sa presyo ng ilang mga mapagsamantalang konsyumer sa Metro Manila na nagpapa-submeter at naniningil ng humigit kumulang P20 kada kWh.

Naglabas naman ng pahayag ang INEC sa Facebook page nito at ipinaliwanag ang sanhi ng pagtaas ng presyo ng koryente sa probinsya. Batay sa kanilang paliwanag, generation charge ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo. Wala raw silang kontrol at walang magagawa ukol dito.

Sa kabila ng paliwanag, hirap pa rin ang mga customer ng INEC na tanggapin ang presyo ng koryente sa lugar. Maging ang lokal na pamahalaan nito ay nagpahayag na ng pagkadismaya. Ang Sangguniang Lungsod ng Laoag ay magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa alegasyon ng overcharging na ibinabato sa INEC. Mismong mga lokal na opisyal na rin ng lungsod ang nagsabi na matagal nang problema ang presyo ng koryente sa probinsya.

Hindi ako eksperto at limitado lamang ang aking kaalaman ukol sa operasyon ng mga EC sa bansa, ngunit hindi ko maiwasang itanong, kung totoong walang kontrol o walang magagawa ang EC ukol sa pagtaas ng presyo ng koryente gaya ng paliwanag ng INEC, bakit mababa ang presyo ng koryente ng Beneco? Ano’ng ginagawa ng Beneco na hindi ginagawa ng mga EC na mataas ang presyo ng koryente?
Matapos kong makita ang post ng Bombo Radyo Laoag, para bang bigla kong naisip na tila suwerte pa pala ang mga konsyumer sa Metro Manila dahil ang presyo ng koryente rito ay karaniwang nasa P9 hanggang P10 kada kWh lamang, at hindi umabot sa P11. Marami ring mga consumer group ang nagbabantay sa presyo ng koryente rito.

Sana ay bigyang pansin at tutukan din ng regulator at ng mga consumer group ang presyo ng koryente sa mga probinsya. Nawa ay may makinig sa kanilang pag-aray dahil tila walang hustisya ang presyuhan ng koryente sa lugar ng mga ito lalo na’t may mga ulat din mula sa mga konsyumer na madalas ding mawalan ng koryente sa kanilang lugar.