IBABALIK na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa P20 ang presyo ng tiket ng lotto, mula sa kasalukuyang P24 sa sandaling magbalik na ang kanilang operasyon sa mga susunod na araw.
Sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma, kasama na sa naturang presyo ang value-added tax (VAT).
Taong 2018 nang taasan ng PCSO ang presyo ng lotto ticket mula sa P20 at gawing P24.
Samantala, bukod naman sa pagbabawas ng presyo ng tiket ng lotto, plano rinng PCSO na palitan ang regulasyon sa pagbibigay nila ng consolation prizes.
Paliwanag ni Garma, hindi na hahatiin sa mga nanalong mananaya ang halaga ng consolation prize at sa halip ay ibibigay sa bawat isa sa kanila ang kabuuang halaga nito.
“Except for jackpot prize, ‘yung other consolation prizes po, kung ano po ‘yung amount sa consolation prize ‘yun din po ang matatanggap ng ating mananaya,” ani Garma.
Matatandaang upang mahikayat ang mga mamamayan na mag-invest sa lottery sa kanilang pagbabalik-operasyon ay una na ring sinabi ni Garma na babawasan na rin ng PCSO ang mga itinatakdang requirement para sa pag-franchise ng lotto outlet business.
Ang operasyon ng lotto ay una nang sinuspinde simula pa noong Marso dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), sanhi upang malugi ang ahensiya ng bilyun-bilyong halaga.
Apektado rin ang nasa halos 7,000 lotto agents at 220,000 small town lottery operators nila, na binigyan na rin ng ayuda ng PCSO kamakailan.
Kahit naman tigil ang operasyon, tuloy pa rin ang pamimigay ng tulong medikal ng PCSO sa mga nangangailangang mamamayan.
Comments are closed.