PRESYO NG MANOK MATAAS PA

MANOK

PUMALAG ang isang grupo ng mga negosyante dahil hindi umano napapakinabangan ng mga mamimili ang pagpataw ng suggested retail price (SRP) ng gobyerno sa manok.

Ito umano ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan sa kabila ng mababang pres­yo sa mga manukan.

Sinabi ni  Bong Inciong, presidente ng grupong United Broilers Association, hindi nasusunod ang SRP para sa manok kahit pa bumababa ang farmgate price nito.

Sa tala ng kanilang grupo, bumaba ang farmgate price ng manok sa P80 kada kilo mula sa P100 kada kilo simula Hulyo.

Ibig sabihin, dapat naglalaro sa P130 hanggang P140 kada kilo ang presyo ng manok sa mga pamilihan, base sa kanilang tantiya.

Pero ang presyo ng buong manok sa  mga palengke sa Quezon, City,  Maynila at Pasig  ay nasa pagitan ng  P160 hanggang P170 kada kilo.

“‘Pag panahon ng bagsak ang presyo ng farmgate, hindi nakikinabang ang konsyumer. ‘Pag panahon na napakaraming supply, both local and imported, hindi rin nakikinabang ang konsyumer,” ani Inciong.

Hindi rin aniya napapakinabangan ang mga ina­angkat na manok dahil madalang  na umabot sa palengke ang mga ito.

Depensa naman ng ilang tindera, mataas ang farmgate price na sinisingil sa kanila kaya napi­pilitan silang magtaas-presyo.

Samantala, hinimok naman ni Victor Dimagiba ng grupong Laban Konsyumer na paigtingin ang pag-monitor ng presyo sa palengke.

Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na nahihirapan sila at ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang SRP dahil sa kakulangan ng mga tauhan.

“Retail price should always be only plus P50. That’s the most reasonable and fairest to both consumer and producer,”  pahayag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

“So difficult to control retail, though, especially when they know that it’s really DA’s mandate and not DTI’s. DA, while it has the power, has no enforcement arm, that’s why they cannot enforce,” dagdag niya.

Comments are closed.