PRESYO NG MANOK SUMIRIT SA P250/KILO

PATULOY ang pagtaas ng presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila kung saan umabot ito sa P250 kada kilo, habang nasa P190 kada kilo naman ang pinakamababa, ayon sa Department of Agriculture – Bantay Presyo.

Sinabi ng DA na patuloy silang nakikipag-usap sa poultry sector sa gitna ng pagtaas ng presyo sa merkado.

Sa isang ambush interview, nangako si DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano na magbibigay ng mga interbensiyon sa mga raiser na apektado ng iba’t ibang hamon sa bansa, tulad ng mataas na halaga ng produksiyon, importasyon ng feed additives, at mga epekto ng avian influenza, na nag-ambag sa kasalukuyang sitwasyon ng suplay.

Ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA), mula Oktubre 2023 hanggang Abril 2024, ang average farm gate price ng manok ay bumaba sa mababang hanay na P91.47 kada kilo sa P101.32 kada kilo.

Gayunman, sinabi ni Savellano na ang P250 kada kilo ay posibleng hindi magtagal sa merkado at maaaring makabili ang publiko ng mas murang manok o iba pang mga pagpipilian sa karne sa mga supermarket.

“Siguro saglit lang, kaya nga kailangan naming bumaba, makita at pag-aralan namin kung ano ang dahilan nito,” ani Savellano.

Samantala, sinabi ni UBRA president Jose Gerardo Feliciano na ang P250 kada kilo ay isang hindi makatuwirang pagtaas, kung isasaalang-alang ang P70 hanggang P75 na average na markup mula sa presyo ng farmgate.

“Ipagpalagay na ang farmgate presyo per kg. ay P150, pagkatapos ang market retail price ay magiging P220 hanggang P230,” aniya.

Sa ngayon, ang average na farmgate price ng kada kilo ng manok ay P137, mas mataas kaysa noong Hunyo na P125.57 at P118.75 para sa kaparehong buwan noong 2023.

EVELYN GARCIA