PRESYO NG MANOK TUMAAS, BABOY AT IBANG BILIHIN TAPYAS SA ILANG PAMILIHAN

BABOY-MANOK

TUMAAS ang presyo ng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila habang bumaba naman ang pres­yo ng baboy, gulay, isda at ilang klase ng bigas.

Sa isang palengke sa  Quezon City, nasa P10 ang itinaas ng presyo ng manok, na ngayon ay nasa P140 kada kilo mula sa dating P130 kada kilo.

Nagkaroon din ng pagtaas sa kada kilo ng bawat parte ng manok.

Pero kung may pagtaas sa presyo ng manok, nagkaroon naman ng pagbaba sa presyo ng baboy. Mula P195, nasa P190 na lang ang kada kilo ng laman.

Nasa P210 naman ang kada kilo ng liempo mula P215 habang bumaba naman sa P170 ang kada kilo ng spareribs mula P175.

Bumaba rin ang presyo ng ilang gulay.

Pinakamalaki ang bawas sa carrots na ngayon ay nasa P100 kada kilo na lang mula sa dating P200 hanggang P240 kada kilo.

Kapwa nasa P60 kada kilo na ang presyo ng sa­yote at petsay mula sa da­ting P120 kada kilo.

Ang repolyo na dating P140 kada kilo, bumaba sa P100 kada kilo.

Nasa P20 naman ang nabawas sa presyo ng talong at ampalaya.

Ayon sa mga nagtitinda, kahit mura ang gulay, matumal pa rin ang benta kaya hindi maiwasang mabulok ang mga ito.

“Kaunti pa ang bumibili ng gulay ngayon kasi alam nila mahal pa. Lugi kami ngayon,” pahayag ng isang tindera.

Tila hindi naman ma­ram­daman ng mga mami­mili ang paggalaw ng pres­yo ng mga bilihin.

“Parang hindi rin naman, kasi iyong iba tumaas, iyong iba bumaba, tapos ‘yong bumaba kaunti lang,” anang mamimili na si Myra Santos.

“Pinamimili namin, wala namang pagbabago, ganoon pa rin, ganoon pa rin ang presyo,” sabi naman ni Elizabeth Aquines.

Nasa kalahati na ang ibinaba ng presyo ng siling labuyo, na ngayon ay nasa P400 kada kilo mula sa da­ting P800 kada kilo.

Bumaba naman sa P80 kada kilo ang presyo ng repolyo at carrots mula sa da­ting P120 kada kilo.

Nabawasan din ang presyo ng ilang uri ng isda.

Bumaba na sa P160 kada kilo ang presyo ng bangus at galunggong na dati ay nasa P200 kada kilo at P180 kada kilo, ayon sa pagkakabanggit.

Bumaba rin ang presyo ng mga isdang tilapia, tuli­ngan at tawilis.

Nasa P1 hanggang P2 ang nabawas sa presyo ng commercial rice.

Nakatakdang namang maglabas ngayong linggo ang Department of Agriculture (DA) ng suggested retail price (SRP) para sa bigas, manok at baboy.

Ang Department of Trade and Industry ang magbabantay sa mga pamilihan kapag nailabas ang SRP.

Ayon naman kay Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol, dapat nasa P120 hanggang P125 lang ang kada kilo ng manok.

Maglalabas din ang DA ng panibagong SRP sa holiday season para makontrol ang pagmahal ng mga bilihin.