TATAAS ang presyo ng bigas na ibinebenta ng National Food Authority (NFA) sa P38 kada kilo mula P25 kada kilo.
Inaprubahan ng NFA Council ang P13 pagtataas sa presyo ng NFA rice bilang bahagi ng pagsisikap na ma-minimize ang lugi ng ahensiya sa operasyon nito.
Sa pagtaya ng NFA, ang price hike ay makalilikom ng P557 million na kita para sa ahensiya.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang ahensiya ay nalugi ng P6 billion noong nakaraang taon.
Sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang mga hamon sa pagpapatupad ng bagong price scheme, dahil ang ahensiya ay nagbebenta sa ibang government agencies. Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, ang NFA ay hindi na pinapayagang direktang magbenta sa public markets, at ang tungkulin nito ay limitado sa pagtiyak sa buffer stocks para sa kalamidad.
Ang mga buyer ng NFA rice ay kinabibilangan ng Department of Social Welfare and Development, Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction Management Council, local government units at ilang mambabatas.
“In fact, sa DSWD na siyang pinakamalaking bumibili sa atin, eh parte po siya ng NFA Council at matagal na po nilang–at aprubado po nila ito,” aniya.
Umaasa ang pamahalaan na bababa ang presyo ng bigas makaraang bawasan ang taripa sa imported rice.