MAHIGPIT na binabantayan ng pamahalaan ang presyo ng pagkain at ang suplay ng tubig at koryente habang inaasahan nito na marami pang probinsya ang maaapektuhan ng El Niño sa pagtatapos ng Pebrero.
Ayon kay Task Force El Niño spokesperson at Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama, nasa 41 lalawigan ang kasalukuyang apektado ng weather phenomenon.
Aniya, 10 pa ang maaaring madagdag sa listahan bago ang Marso.
Sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula pa lamang, ang gobyerno ay nakapagtala na ng P151 million na pinsala sa bigas at mais.
Sa 41 lalawigan, 17 ang kasalukuyang dumaranas ng dry conditions, 10 ang nasa ilalim ng dry spell, at 14 ang nakararanas ng tagtuyot.
“In terms of what is being monitored at kung ano po iyong binabantayan ng task force, ayon na rin sa direktiba ng ating Pangulo, iyan po ang food security, ang water supply, obviously power supply, health at saka po iyong kung magkakaroon po ng pagtaas sa mga presyo,” sabi ni Villarama.
“Diyan po papasok iyong fiscal measures,” dagdag pa niya.
Dagdag pa niya, binabantayan ng Department of Health (DOH) ang water-borne at vector-driven diseases tulad ng cholera, typhoid fever, dengue, at chikungunya.
”So far, wala pa pong naitatala ang Department of Health na anumang outbreak,” aniya.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na ang matinding epekto ng El Nino ay magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Marso.
(PNA)