PINABULAANAN ng isang opisyal ng National Food Authority (NFA) na bumagsak ang presyo ng palay sa P6 hanggang P7 kada kilo dahil sa Rice Tariffication Law.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni NFA administrator Atty. Judy Carol Dansal na sa kasalukuyan, ang buying price ng palay, bagama’t hindi ang ideal rate, ay nasa pagitan ng P12 at P13.
“Nasa P12 and P13 na presyuhan kada kilo ng palay ay hindi naman po talaga ideal,” aniya bilang paglilinaw sa sinasabi ng rice farmers na ang kanilang palay ay binibili sa P7 kada kilo.
Noong Biyernes ay isinisi ng mga magsasaka sa Central Luzon ang pagbaha ng mga imported na bigas sa pagbagsak ng presyo ng palay, na napaulat na ibinebenta sa P7 hanggang P10 kada kilo.
Idinepensa rin ni Dansal ang Rice Tariffication Law, na sinisisi sa rice smuggling at hoarding, na nagpapabagsak sa presyo ng local palay.
Aniya, magdaragdag ang NFA ng buying stations para sa palay.
Naunang sinabi ni dating NFA administrator Renan Dalisay na ang budget ng ahensiya sa kasalukuyan ay sapat lamang para sa hindi hihigit sa 500,000 metric tons ng palay mula sa local farmers.
Comments are closed.